Tuesday, October 6, 2009

INIWAN SA NAKALIPAS

para sa matagal ng nilimot,

liwanag sa katapusan ng mundo.

umiiyak ang kalangitan,

dahil sa mga luhang kanyang iniwan sa nakalipas.

mag-isa sa malungkot na isla,

nakatanaw sa papawirin.

tila angkla sa bigat ang pakiramdam,

hinhintay matapos na ng tuluyan ang araw.



dagat na walang dalampasigan,

barkong walang pangalan.

prinsesa sa tuktok ng bangin,

mga bata sa bukirin.



ngayon ang kanyang pag-ibig ay alaala na lamang.

matagal ng nilimot.

tila luhang matagal ng iniwan sa nakalipas.

Saturday, September 26, 2009

ANG DI MAIIWASANG WAKAS

napakatahimik ng gabi. tanging tunog ng orasan ang naririnig ko kasabay ng aking mabining paghinga. pilit kong pinakikinggang mabuti ang pagtibok ng aking puso, pinakikinggang mabuti ang pagtibok nito. umaasa akong maririnig ang kanyang pagtibok kasabay ng pagdaramdam na nagsusumigaw sa buong katauhan. ngunit wala. manhid na marahil ang aking pakiramdam bunga ng pighating dulot ng isang dalamhating nupling sa isipan ng katauhan kong uhaw sa di malamang dahilan.

inakala kong ayos na ang lahat. inakala kong hindi na magkakaroon pa ito ng katapusan. humabi ako ng mga ginintuang panaginip na akala ko'y magkakaroon balang araw ng katuparan; isang tahanan, isang lalaki , isang pag-ibig. buhay; yaong matapat na buhay sa katotohanan, mga supling na tagapaglarawan ng mga layunin sa buhay ng lalaking kasama sa buhay na iyon. ngunit ginising lamang ako ng dalamhati mula sa aking pagkakahimbing.

kasabay ng pamumulaklak ng isang wagas na pagsinta sa aking puso'y nanalig ako sa inakala kong sintibay ng puno sa gitna ng bagyo. nasaksihan ko ang mahinhing karikatan at luntiang pag-asang hatid ng dapit-umaga para lamang muling mamulat sa isang napakahabang karimlan.

sa sandaling ito'y nadarama ko kung paano ang mamatay ng kaunti at kung paano nakapagpapatuloy mabuhay para lamang mamatay pa ng kaunti sa susunod. ngayo'y natagpuan ko ang aking sariling walang awang dinadaluyong ng mga gunita at hinaharap. natatalop. napagtanto kong ang guho ng nakaraa'y patuloy na magmumulto hanggang sa ang sarili nating mga pundasyon ay bumigay at gumuho na rin.

paano matitighaw ang dalamhating ito ng hindi ko na kailangang humabi ng maririkit na larawan mula sa maitim na katunayang aking nalaman?

tunay ngang masakit ang katotohanan. tila isa itong mariing tagang dumapo sa aking puso - at lumikha ng sugat. tila ba ito ay naiwang bakas ng batis sa mainit na sikat na araw.

at ngayon, kailangan ng harapin ang sandaling mabilis na naglalakbay patungo sa di maiiwasang wakas.

ag pagsintang ito'y tulad na ng sa ningas ng kandilang nakikitalad sa pabugso-bugsong bagyo ng hangin sa gitna ng isang masungit na gabi. naging matiyaga sa pakikihamok, tinanggihang tanggapin ang pagkatalo sa malakas na alimpuyo ng hangin. hanggang sa ang kabiguan ay magkahugis ng isang kakilakilabot na anyo - ang bagyo, na siyang ikinaluray ng katatagang taglay nito.

at ang ningas ng kandila'y unti-unting namatay...

ang lambong ng gabi'y sumalubong sa aking paningin. at ang kangina'y sasayaw-sayaw na liwanag ay bahagi na ng karimlan.

Wednesday, September 16, 2009

BAGONG SILANG

ano ba talagang dapat ipaksa pag gumawa ka ng blog? hindi ko rin alam.. kasi kung ano ang gusto ko, kung ano ang unang pumasok sa utak ko, matik na ang mga kamay para itayp sa keyboard ang mga kaisipan dahil baka nga naman mawala pa..

hmm.. tapos dumarating iyong puntong biglang nawawala mga ideya at maiiwan ka na nakatitig sa harap ng monitor dahil hindi mo na alam ang susunod mong itatayp..

hindi pala maganda kapag gumagawa ka ng blog o kahit anong sanaysay ng may malakas na musika na gumugulo sa eardrums mo.. mauuwi ka lang sa pagbabasa sa ginawa mo mula simula kasi nalimutan mo na mga unang mong sinulat at bka nagkamali ka.. tapos.. bura..

bata pa lang ako, gustong gusto ko na maging writer..ü kahit hindi writer.. kahit ano basta may kinalaman sa journalism o kahit hindi journalism basta may kinalaman sa pagsulat.. hindi ko alam kung bakit.. noong elementary ako, nasanay akong ipinanlalaban kapag may paligsahan sa balagtasan at kahit anong public speaking kung tawagin.. gustong gusto ko nagsasalita sa harap ng mga tao.. gustong gusto ko kapag nakikita kong nakikinig sila.. at nalulungkot ako kapag may nakikitang hindi interesado.. pero hindi naman maiiwasan yon..

parang ganoon din sa pagsusulat.. gustong gusto kong magsulat.. yung nagkakaroon ng hugis at anyo ang lahat ng ideya sa utak ko.. yung nagkakaroon ng tinig ang mga piping kaisipang nagsusumigaw sa utak ko.. hindi man ako sigurado kung may nagbabasa nga, ayos lang.. pero sigurado ako, at gagawin ko ang lahat na mangyari na dumating ang araw na lahat ng isinusulat ko, kapapanabikang basahin ng mundo.. gustong gusto kong may magbabasa ng mga isinusulat ko.. kahit sa blackboard.. kahit sa likod ng notebook.. haha.. ganoon talaga.. nakalulungkot naman din kapag may hindi nakagusto sa pagsulat mo.. pero ganoon talaga.. mas maganda ngang may mga kritiko.. sila magiging daan para galingan mo pa.. pwedeng sila rin ang daan para sumikat ka.. haha..

ngaun eto na naman ang isang walang saysay na pagtatayp ko.. nag-uubos ng oras sa harap ng kompyuter para lang magtayp ng kung anong pumasok sa isip.. nakakatamad na rin minsan magtayp.. pero dahil tuloy ang utak sa pagsasalita, tuloy din ang kamay sa paggawa.. at hindi maglalaon, mabubuo ang isang anak.. isang bagong silang na manunulat.. Ü