Saturday, September 26, 2009

ANG DI MAIIWASANG WAKAS

napakatahimik ng gabi. tanging tunog ng orasan ang naririnig ko kasabay ng aking mabining paghinga. pilit kong pinakikinggang mabuti ang pagtibok ng aking puso, pinakikinggang mabuti ang pagtibok nito. umaasa akong maririnig ang kanyang pagtibok kasabay ng pagdaramdam na nagsusumigaw sa buong katauhan. ngunit wala. manhid na marahil ang aking pakiramdam bunga ng pighating dulot ng isang dalamhating nupling sa isipan ng katauhan kong uhaw sa di malamang dahilan.

inakala kong ayos na ang lahat. inakala kong hindi na magkakaroon pa ito ng katapusan. humabi ako ng mga ginintuang panaginip na akala ko'y magkakaroon balang araw ng katuparan; isang tahanan, isang lalaki , isang pag-ibig. buhay; yaong matapat na buhay sa katotohanan, mga supling na tagapaglarawan ng mga layunin sa buhay ng lalaking kasama sa buhay na iyon. ngunit ginising lamang ako ng dalamhati mula sa aking pagkakahimbing.

kasabay ng pamumulaklak ng isang wagas na pagsinta sa aking puso'y nanalig ako sa inakala kong sintibay ng puno sa gitna ng bagyo. nasaksihan ko ang mahinhing karikatan at luntiang pag-asang hatid ng dapit-umaga para lamang muling mamulat sa isang napakahabang karimlan.

sa sandaling ito'y nadarama ko kung paano ang mamatay ng kaunti at kung paano nakapagpapatuloy mabuhay para lamang mamatay pa ng kaunti sa susunod. ngayo'y natagpuan ko ang aking sariling walang awang dinadaluyong ng mga gunita at hinaharap. natatalop. napagtanto kong ang guho ng nakaraa'y patuloy na magmumulto hanggang sa ang sarili nating mga pundasyon ay bumigay at gumuho na rin.

paano matitighaw ang dalamhating ito ng hindi ko na kailangang humabi ng maririkit na larawan mula sa maitim na katunayang aking nalaman?

tunay ngang masakit ang katotohanan. tila isa itong mariing tagang dumapo sa aking puso - at lumikha ng sugat. tila ba ito ay naiwang bakas ng batis sa mainit na sikat na araw.

at ngayon, kailangan ng harapin ang sandaling mabilis na naglalakbay patungo sa di maiiwasang wakas.

ag pagsintang ito'y tulad na ng sa ningas ng kandilang nakikitalad sa pabugso-bugsong bagyo ng hangin sa gitna ng isang masungit na gabi. naging matiyaga sa pakikihamok, tinanggihang tanggapin ang pagkatalo sa malakas na alimpuyo ng hangin. hanggang sa ang kabiguan ay magkahugis ng isang kakilakilabot na anyo - ang bagyo, na siyang ikinaluray ng katatagang taglay nito.

at ang ningas ng kandila'y unti-unting namatay...

ang lambong ng gabi'y sumalubong sa aking paningin. at ang kangina'y sasayaw-sayaw na liwanag ay bahagi na ng karimlan.

No comments:

Post a Comment